Isasara ang lahat ng sementeryo sa loob ng lungsod ng Maynila ngayong darating na Undas bilang bahagi pa rin ng paglaban sa pagkalat ng COVID-19.
Ito ang iniutos kahapon ni Manila City Mayor Isko Moreno. Pinirmahan ni Moreno ang Executive Order No. 38 na nag-uutos sa pagpapasara sa mga pampubliko at pribadong mga sementeryo, kolumbaryo, at memorial parks mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3. Tanging mga ‘cremation services’ at pagpapalibing lamang ang papayagan sa naturang mga araw ngunit kailangan pa ring sumunod sa itinakdang minimum health protocols. Pangunahing sementeryo sa Maynila ang Manila North Cemetery na may 105,837 puntod at dinadagsa ng nasa 1.5 milyong bisita at ang Manila South Cemetery na may 39,228 puntod at may 800,000 bisita tuwing Undas. Dahil dito, nagkakaroon ng matinding siksikan lalo na sa pagpasok sa naturang mga libingan kaya mahihirapan nang maipatupad ang ‘physical distancing’.
0 Comments
Siyam katao ang ang dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na naaktuhan sa loob ng isang sinalakay na pagawaan ng mga pekeng dokumento kabilang ang mga palsipikadong COVID-19 test results, kamakalawa ng hapon sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang mga nadakip na sina Rommel Gonzales, 38, may-ari ng sinalakay na establisimiyento; Randrex Gonzales, 34; Richelle Gonzales, 38; Elizabeth Raposas, 41; Mary Jean Guban, 30; Rosemarie Saludo, 32; Maricar Pabello, 33, at Deobert Sas, 20. Sa ulat ng Sta. Cruz Police Station 3, dakong alas-4 ng hapon nang salakayin ang isang puwesto sa may No. 1200 Mendoza Street cor. Adelina Street, Brgy. 466 Zone 46, Sta. Cruz, ng naturang lungsod. Unang nakatanggap ng impormasyon ang pulisya sa nagaganap na bentahan sa naturang lugar ng mga pekeng COVID-19 rapid test results. Dito nagsagawa ng paniniktik ang mga pulis hanggang sa makumpirma ang ilegal na gawain sa lugar. Nagsagawa na ng entrapment operation ang mga pulis kung saan isang pulis ang nagpanggap na kustomer at nagawang makapagpagawa ng travel authority kapalit ng marked money na P500. Dito na nagpakilalang pulis ang buyer habang pinasok ng mga kasamahan ang pagawaan kung saan naabutan ang iba pang mga suspek na abala sa kanilang gawain. Nakumpiska ng mga pulis sa lugar ang iba’t ibang uri ng mga palsipikadong mga dokumento tulad ng pekeng rapid test results, IATF identification card, rapid pass, travel authority at iba pa; ilang units ng computer sets at mga printer. Nakaditine ngayon ang mga suspek sa Sta. Cruz Police cudstodial jail at nahaharap na sa kasong paglabag sa Article 172 (Falsification of private individual and use of falsified document) at Article 174 (False Medical Certificate) ng Revised Penal Code.
Nananalo na ang bansa laban sa COVID-19, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang ulat sa bayan kamakalawa ng gabi, sinabi ng Pangulo na bumababa na ang datos ng mga nagpopositibo sa COVID-19. Napa-flatten na aniya ang tinatawag na “curve” o datos at wala ng naitatalang “significant contamination.” Nangangahulugan aniya na tama ang mga ginagawa ng gobyerno para mapangalagaan ang interes at kalusugan ng publiko. Sinabi ng Pangulo na malaking tulong ang mga preventive measures na ipinatupad ng gobyerno katulad ng community quarantine dahil nabawasan ang mga tao sa labas at nabawasan din ang mga nahahawa. Binanggit din ng Pangulo na nakatulong ang ginawang pagsunod ng mga mamamayan at kontribusyon ng mga local government units (LGUs). Pero binanggit din ng Pangulo na sa kabila ng mga positibong pangyayari, dapat pa ring maging vigilante ang lahat at huwag maging kampante upang hindi masayang ang mga naging sakripisyo. Ipinaalala rin ng Pangulo na hindi pa nawawala ang virus at bumaba lamang ang kaso dahil sa ginagawang pag-iingat at pagsunod ng mga mamamayan sa minimum health protocols katulad ng pagsusuot ng face mask at paggamit ng alcohol.
Iniwasang kumpirmahin ng Department of Health (DOH) kung totoong may pagpatag na nga ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas base sa pag-aaral ng University of the Philippines-OCTA research team makaraan na purihin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko dahil sa pagsunod sa mga health protocols.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa nila ng dagdag pang pag-aaral bago kumpirmahin ito. Ang tunay na pakay umano ng pagpatag ay maikalat ang mga bagong kaso sa mas mahabang panahon upang maiwasan na matambakan ng trabaho ang mga medical healthworkers. Una nang sinabi ni UP research member Dr. Guido David na tantiya nila ay nasa .95RO na ang bansa na mas mababa sa 1RO na tanda na may ‘flattening’ nang nagaganap. Bagama’t pababa umano ang naitatalang mga bagong kaso sa mga nagdaang araw, iginiit ni Vergeire na kailangan ring tingnan ang lahat ng kadahilanan tulad ng estado ng health system para makita kung talagang nagtatagumpay na sa lahat sa COVID-19. Sa kasalukuyan, nasa 66% na mula sa dating 81% ang dating ‘critical level’ ng healthcare system habang nasa 73% ang mga pasyenteng nakarekober. Nasa 97% sa mga aktibong kaso ang may ‘mild at asymptomatic cases’ lamang.
Hinikayat ni Senate President Vicente Sotto III si Pangulong Rodrigo Duterte na basahin ang findings ng Senado kaugnay sa umano’y anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ayon kay Sotto, sa halip na pakinggan ng Pangulo ang mga dahilan o “excuses” ni Health Sec. Francisco Duque III dapat ay ikonsidera ni Duterte ang pagbabasa sa kanilang findings. Ginawa ng Senate president ang suhestyon matapos sabihin ni Duterte na hindi niya aalisin sa puwesto si Duque. Iginiit pa ni Sotto na dapat ay kausapin sila sa Senado ng Pangulo at basahin muna ang Senate report sa halip na pakinggan lang ang alibi ng mga sangkot sa anomalya sa PhilHealth. Matatandaan na inirekomenda ng Senate Committee of the Whole ang pagsasampa ng kasong administratibo, malversation at graft and corruption kay Duque at iba pang matataas na opisyal dahil sa kwestiyunableng paglalabas ng pondo ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM). Inirekomenda rin ng Senado kay Pangulong Duterte na palitan si Duque at magtalaga ng bagong kalihim ng DOH.
Planong ipagbawal na ang home quarantine upang maiwasan ang transmission o hawahan ng COVID-19 sa mga tahanan.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, mahalagang mailabas ng bahay ang mga taong dinapuan ng COVID-19 upang hindi na nila maihawa ng sakit ang kanilang pamilya. Maaari naman aniyang dalhin ang mga pasyente sa mga COVID hotels at mga quarantine facilities upang doon mag-isolate at tuluyang magpagaling ng karamdaman. Sinabi ni Año na sakaling maipatupad ay walang exempted dito, kahit pa aniya ang mga matatanda na hindi na kaya pang ilipat sa mga quarantine facilities sa kanilang lokalidad. Sa ngayon aniya ay tinatalakay na ng National Task Force (NTF) against COVID-19 ang naturang pamamaraan, na layunin nilang ipatupad ngayong linggong ito. Nilinaw naman ni Año na bago ito tuluyang maipatupad ay kailangan munang maaprubahan ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Nagsisimula nang trabahuhin ng pamahalaan ang pagtratransporma ng Manila Bay para magmukhang "sosyal" na beach, Huwebes.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, bahagi pa rin ito ng programa ng gobyerno na i-rehabilitate ang nasabing look — na nagdurusa sa polusyon at mataas na fecal coliform levels. Target ngayon ng DENR na lalo pang mapalinis ang kaledad ng tubig hanggang maibaba sa 200 mpn/100 ml, at gawing mala-"Boracay" aniya ang bay area. Enero 2020 nang sabihin ni Environment Secretary Roy Cimatu na bumaba na nang husto ang coliform levels ng Manila Bay, batay na rin daw sa datos na ipinakita ng Environmental Management Bureau. Pero paglilinaw ng DENR, hindi tunay na white sand ang gagamiting panambak, ngunit dinurog na "dolomite boulders" mula sa Cebu. Aniya, bawal raw kasing ibyahe ang tunay na puting buhangin mula sa mga dalampasigan.
Nakiisa ang Philippine Bar Association Inc. at ang grupong ‘Tagapagtanggol ng Watawat’ sa malawakang pagkondena sa mga grupo na nasa likod ng organisadong panawagan para sa isang revolutionary government. Sa isang public statement, sinabi ng PBA, sa pangunguna ng presidente nitong si Atty. Jose Perpetuo M. Lotilla, na ang panawagan para sa isang ‘RevGov’ ay naglalayong “magpunla ng binhi para gibain ang Rule of Law at ang Constitution.” Sinabi pa ng grupo na sinamantala ng mga nasa likod ng panawagan para sa ‘RevGov’ ang pandemya, krisis sa ekonomiya, at ang Presidency sa mga huling taon ng pagtatangka nito na agawin ang kapangyarihan sa gobyerno. Iginigiit naman ng ‘Tagapagtanggol ng Watawat’ ang pagdakip sa mga promotor at self-style revolutionaries na nasa likod ng panawagan para sa isang RevGov. Binigyang-diin ng lawyers group, sa pangunguna ni Dean Jose Aguila Grapilon, na ang mga panawagan para sa isang RevGov ay “not protected speech, not sheltered by the Constitution and not made by, nor of, nor for the sovereign Filipino people.” Iginiit din ng grupo na ang mga panawagan para sa isang RevGov ay isang banta sa pambansang seguridad dahil layon nitong “walisin ang mga pananggalang, checks and balance at ang mga limitasyon sa kapangyarihan ng Estado.”
May 38 Filipino ang nawawala matapos na umano’y lumubog ang kanilang barkong sinasakyan nang maaabutan sila ng bagyo sa karagatan ng southern Japan nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat, patuloy ang search and rescue ng Japanese coast guard sa barko na may sakay na 42 crew members at livestocks o mga hayop. Sa nasabing crew, 38 ang mga Pinoy, 2 taga-New Zealand, at dalawa mula sa Australia. Sa pinakahuling ulat, isang Filipino na ang na-rescue ng Japanese navy P-3C surveillance aircraft. Ang 11,947 toneladang Gulf Livestock 1 ship ay may lulan na 5,800 na baka, ay nasa west ng western coast ng Amani Oshima sa East China Sea nang mag-distress call noong Miyerkules ng umaga. Ang barko ay pag-aari ng Gulf Navigation na nakabase sa United Arab Emirates. Tiniyak ng Philippine Chamber of Telecom Operators (PCTO) sa Department of Justice (DOJ) na patuloy sila sa pakikiisa sa pamahalaan na labanan ang ‘online pornography at sexual abuse’ sa bansa gamit ang internet. Sa position paper na isinumite ng PCTO kay Justice Secretary Menardo Guevarra, tiniyak nito na gagampanan ng kanilang mga miyembro ang pag-block sa mga website na naglalaman ng mga pornograpo sa mga kabataan bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa ilalim ng Republic Act 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009. Ang PCTO ang ‘umbrella organization’ ng mga telecommunication companies at internet service providers (ISPs) na may prangkisa kabilang ang PLDT at Globe Telecom. Ngunit hiniling din ng PCTO sa DOJ na ikunsidera ang pag-amiyenda sa Section 9 ng RA 9775 dahil sa magkakasalungat na probisyon. Ipinaalala rin ng PCTO na sa ilalim ng RA 10173 o ang Data Privacy Act of 2012 ay mahigpit na ipinatutupad ang privacy ng mga indibidwal laban sa pagkolekta ng mga personal na impormasyon ng kanilang mga kustomer na kumokontra rin sa Section 9 ng RA 9775. Nabatid na aktibo ang PLDT at Smart Communications sa pamamagitan ng kanilang Cyber Security Operations Group (CSOG) sa pagtukoy at pagharang sa mga child pornography websites katuwang ang PNP at NBI habang ang Globe Telecom naman ay umaabot na sa 2,521 sites ang nai-block.
|
Radyo LipenioRadyo Lipenio is the #1 Online Radio News FM recognized by City Government, member of CMOI - CALABARZON MEDIA ORGANIZATION, INC., partnered with iRadio KSA and Aksyon Lipenio. Archives
September 2020
Categories |